Job 20:1-29 ASD
[1] Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama, [2] “Kailangang magsalita na ako dahil hindi ako mapakali. [3] Sinaway mo ako ng may halong pangungutya at may nag-uudyok sa isip kong ikaw ay sagutin. [4] “Tiyak na alam mo na mula pa noong unang panahon, simula nang likhain ang tao sa mundo, [5] ang ligaya ng taong masama ay sandali lang. Totoong hindi nagtatagal ang kasiyahan ng taong hindi naniniwala sa Dios. [6] Kahit na kasintaas ng langit at ulap ang tingin niya sa kanyang sarili, [7] mawawala rin siya magpakailanman katulad ng kanyang dumi. Ang mga kakilala niyaʼy magtataka kung nasaan na siya. [8] Mawawala siya na parang isang panaginip o pangitain sa gabi at hinding-hindi na matatagpuan. [9] Hindi na siya makikita ng mga nakakakilala sa kanya at mawawala siya sa dati niyang tirahan. [10] Ang mga anak niya ang magbabayad ng mga ninakaw niya sa mga dukha. [11] Malakas at bata pa siyang mamamatay at ililibing. [12] “Ang paggawa niya ng masama ay parang pagkaing matamis sa kanyang bibig [13] na nginunguyang mabuti at ninanamnam. [14] Pero pagdating sa tiyan, ito ay nagiging maasim at lalason sa kanya na parang kamandag ng ahas. [15] Isusuka niyang parang pagkain ang kayamanang ninakaw niya. Ipapasuka ito ng Dios sa kanya kahit itoʼy nasa tiyan na niya. [16] Sisipsipin niya ang kamandag ng mga ahas at ang pangil ng ahas ang papatay sa kanya. [17] Hindi na niya matitikman ang saganang langis, gatas, at ang pulot na dumadaloy na parang batis o ilog. [18] Hindi siya gagantimpalaan para sa kanyang pinaghirapan o matutuwa man sa kanyang kayamanan. [19] Sapagkat inapi niya at pinabayaan ang mga dukha, at inagaw ang mga bahay na hindi sa kanya. [20] “Hindi niya mapapakinabangan ang kanyang pinaghirapan. Lahat ng magugustuhan niya ay hindi makakaligtas sa kanya. [21] Wala ng matitira sa kanya na makakain niya dahil mawawala ang kanyang kayamanan. [22] Sa kanyang kasaganaan, darating sa kanya ang kahirapan. Labis na paghihirap nga ang darating sa kanya. [23] Bubusugin siya ng Dios ng paghihirap. Patitikimin siya ng Dios ng kanyang matinding galit, at pauulanan ng parusa. [24] Maaaring makatakas siya sa sandatang bakal pero tatamaan din siya ng panang tanso. [25] Tutusok ito sa kanyang apdo at tatagos sa kanyang katawan. At makakaramdam siya ng takot. [26] Mawawala ang kanyang kayamanan sa kadiliman. Susunugin siya ng apoy na hindi tao ang nagpaningas, pati na ang lahat ng naiwan sa kanyang tirahan. [27] Ihahayag ng langit ang mga kasalanan niya at sasaksi naman ang lupa laban sa kanya. [28] Tatangayin ng baha ang bahay niya sa araw na ibuhos ng Dios ang kanyang galit. [29] Iyan ang kapalaran ng taong masama ayon sa itinakda ng Dios sa kanya.”
