[1] Sumagot si Job, [2] “Ang akala mo baʼy natulungan mo ang walang kakayahan at nailigtas ang mahihina? [3] Ang akala mo baʼy napayuhan mo ang kapos sa karunungan sa pamamagitan ng iyong karunungan? [4] Saan ba nanggaling ang mga sinasabi mong iyan? Sinong espiritu ang nagturo sa iyo na sabihin iyan? [5] “Nanginginig sa takot ang mga patay sa kinalalagyan nila sa ilalim ng tubig. [6] Lantad sa paningin ng Dios ang lugar ng mga patay. Hindi maitatago ang lugar na iyon ng kapahamakan. [7] Inilatag ng Dios ang hilagang kalangitan sa kalawakan at isinabit ang mundo sa kawalan. [8] Ibinabalot niya ang ulan sa makakapal na ulap, pero hindi ito napupunit gaano man kabigat. [9] Tinatakpan niya ng makapal na ulap ang bilog na buwan. [10] Nilagyan niya ng hangganan ang langit at dagat na parang hangganan din ng liwanag at dilim. [11] Sa pagsaway niya ay nayayanig ang mga haligi ng langit. [12] Sa kanyang kapangyarihan ay pinaaalon niya ang dagat; sa kanyang karunungan ay tinalo niya ang dragon na si Rahab. [13] Sa pamamagitan ng pag-ihip niya ay umaaliwalas ang langit, at sa kanyang kapangyarihan pinatay niya ang gumagapang na dragon. [14] Mga simpleng bagay lang ito para sa kanya. Parang isang bulong lang na ating napakinggan. Sino ngayon ang makakaunawa sa kapangyarihan ng Dios?”