[1] Nagpatuloy sa pagsasalita si Job, [2] “Kung maibabalik ko lang sana ang mga nagdaang araw noong kinakalinga pa ako ng Dios, [3] noong tinatanglawan pa niya ang aking daan habang lumalakad ako sa dilim. [4] Noong akoʼy nasa mabuti pang kalagayan, ang Dios ay matalik kong kaibigan, at pinagpapala niya ang sambahayan ko. [5] Pinapatnubayan pa ako noon ng Dios na Makapangyarihan, at magkakasama pa kami ng mga anak ko. [6] Ang mga baka ko nooʼy nagbibigay sa akin ng maraming gatas at mula sa mga tanim kong olibo ay umaani ako ng napakaraming langis. [7] Kapag pumupunta ako sa pintuang bayan at sumasama sa mga pinuno ng lungsod sa tuwing may pagpupulong sila, [8] tumatabi ang mga kabataang lalaki kapag nakita nila ako, at ang matatandaʼy tumatayo para magbigay galang sa akin. [9] Tumatahimik kahit ang mga pinuno [10] at ang mararangal na tao kapag nakikita nila ako. [11] Pinupuri ako ng mga taong nanonood o nakikinig sa aking pagsasalita. [12] Sapagkat tinutulungan ko ang mga dukhang humihingi ng tulong at mga ulilang walang malapitan. [13] Binabasbasan ako ng mga taong nag-aagaw buhay na aking tinulungan, at umaawit sa galak ang mga biyuda na aking natulungan din. [14] Palagi kong ginagawa ang tama at matuwid; para itong damit at turban na aking isinusuot. [15] Naging parang mata ako sa taong bulag at paa sa pilay. [16] Naging parang ama ako sa mga dukha, at kahit ang mga dayuhan ay tinulungan ko sa kanilang mga suliranin. [17] Winasak ko ang kapangyarihan ng masasamang tao at iniligtas ko ang mga biktima nila. [18] “Ang akala koʼy hahaba pa ang buhay ko, at mamamatay na kasama ang aking sambahayan. [19] Sapagkat ang katulad ko nooʼy matibay na punongkahoy na umaabot ang mga ugat sa tubig at laging nahahamugan ang mga sanga. [20] Palagi akong malakas at pinupuri ng mga tao. [21] Kapag nagpapayo ako, tumatahimik ang mga tao at nakikinig nang mabuti. [22] Pagkatapos kong magsalita, hindi na sila nagsasalita dahil nasisiyahan na sila sa mga sinabi ko. [23] Pinanabikan nila ang mga sasabihin ko tulad ng pagkasabik nila sa pagdating ng ulan. Gusto talaga nila akong mapakinggan. [24] Halos hindi sila makapaniwala kapag ngumiti ako, dahil ang masayang mukha koʼy nagpapalakas sa kanila. [25] Tulad ng isang pinuno, tinuturuan ko sila kung ano ang dapat gawin. Pinamumunuan ko sila tulad ng haring namumuno sa kanyang mga kawal. At inaaliw ko sila kapag silaʼy nalulungkot.