Kawikaan 13:1-25 ASD
[1] Ang matalinong anak ay nakikinig sa pagtutuwid ng kanyang ama, ngunit ang nangungutyang anak ay hindi nakikinig kapag sinasaway siya. [2] Ang taong nagsasalita ng mabuti ay gagantihan ng mabuting bagay, ngunit ang salita ng taong hindi tapat ay gagantihan ng karahasan. [3] Ang taong maingat sa pagsasalita ay nag-iingat ng kanyang buhay. Ngunit ang taong madaldal, dulot sa sarili ay kapahamakan. [4] Ang taong tamad hindi makukuha ang hinahangad, ngunit ang taong masipag ay magkakaroon ng higit pa sa kanyang hinahangad. [5] Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan, ngunit ang taong masama ay gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya. [6] Ang taong walang kapintasan ay iingatan dahil sa kanyang matuwid na pamumuhay, ngunit ang makasalanan ay mapapahamak dahil sa kanyang kasamaan. [7] May mga taong nagkukunwaring mayaman ngunit mahirap naman, at may mga nagkukunwaring mahirap ngunit mayaman naman. [8] Ang taong mayaman kapag dinukot ay may pantubos sa kanyang buhay, ngunit ang taong mahirap ni hindi man lang pinagtatangkaan. [9] Ang buhay ng taong matuwid ay parang ilaw na maliwanag, ngunit ang buhay ng masama ay parang ilaw na namatay. [10] Ang kayabangan ay humahantong sa kaguluhan at pagtatalo, ngunit ang nakikinig sa payo ay nagpapahiwatig ng karunungan. [11] Ang kayamanang nakuha sa pandaraya ay madaling nawawala, ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala. [12] Ang hangarin na naantala ay nakapanghihina, ngunit ang hangarin na natupad ay nakapagpapalakas at nakapagpapasigla. [13] Ang taong tumatanggi sa turo at utos sa kanya ay mapapahamak, ngunit ang sumusunod dito ay gagantimpalaan. [14] Ang mga turo ng taong may karunungan ay magpapabuti at magpapahaba ng iyong buhay at mailalayo ka sa kamatayan. [15] Ang taong may mabuting pang-unawa ay iginagalang, ngunit ang taong taksil ay kapahamakan ang kahahantungan. [16] Ang taong marunong umunawa kung ano ang tama at mali ay pinag-iisipan muna ang isang bagay bago niya gawin, ngunit ang taong hangal ay hindi nag-iisip, ipinakikita niya ang kanyang kahangalan. [17] Ang masamang sugo ay lumilikha ng kaguluhan, ngunit ang mapagkakatiwalaang sugo ay nagpapabuti ng ugnayan. [18] Ang taong ayaw tumanggap ng pangaral ay dadanas ng kahirapan at kahihiyan, ngunit ang tumatanggap nito ay pararangalan. [19] Ang pangarap na natupad ay nagdudulot ng ligaya; subalit ang taong hangal ay hindi tumitigil sa paggawa ng masama. [20] Kapag ang lagi mong kasama ay isang taong marunong, magiging marunong ka rin, ngunit kung hangal ang lagi mong kasama ay mapapahamak ka. [21] Ang kapahamakan ay darating sa mga makasalanan saanman sila magpunta, ngunit ang mga matuwid ay gagantimpalaan ng mabubuting bagay. [22] Ang kayamanan ng mabuting tao ay mamanahin ng kanyang mga apo, ngunit ang kayamanan ng makasalanan ay mapupunta sa mga matuwid. [23] Umani man ng sagana ang lupain ng mahihirap, hindi rin sila makikinabang dito dahil sa hindi makatuwirang patakaran ng iba. [24] Ang mapagmahal na magulang ay nagdidisiplina ng kanyang anak. Sapagkat kung mahal mo ang iyong anak itutuwid mo ang kanyang ugali. [25] Ang taong matuwid ay makakakain ng sapat, ngunit ang masasama ay magugutom.
