[1] Ang karunungan ay katulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay na may pitong haligi. [2] Pagkatapos, nagkaroon siya ng malaking handaan. Naghanda siya ng mga pagkain at mga inumin. [3] At saka inutusan niya ang mga katulong niyang babae na pumunta sa pinakamataas na lugar ng bayan para ipaalam ang ganito: [4] “Kayong mga kulang sa karunungan at pang-unawa, inaanyayahan kayo sa isang malaking handaan. [5] Halikayo, kumain kayo at uminom ng aking inihanda. [6] Iwanan na ninyo ang kamangmangan upang mabuhay kayo nang matagal at may pang-unawa.” [7] Kung sasawayin mo ang taong nangungutya, iinsultuhin ka niya. Kung sasawayin mo ang taong masama, sasaktan ka niya. [8] Kaya huwag mong sasawayin ang taong nangungutya, sapagkat magagalit siya sa iyo. Sawayin mo ang taong marunong at mamahalin ka niya. [9] Kapag tinuruan mo ang isang taong marunong, lalo siyang magiging marunong. At kapag tinuruan mo ang isang taong matuwid, lalo pang lalawak ang kanyang kaalaman. [10] Ang paggalang sa Panginoon ang pasimula ng karunungan. At ang pagkilala sa Banal na Dios ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa. [11] Sa pamamagitan ng karunungan, hahaba ang iyong buhay. [12] Kung may karunungan ka, magdudulot ito sa iyo ng kabutihan, ngunit magdurusa ka kung itoʼy iyong tatanggihan. [13] Ang kamangmangan ay katulad ng isang babaeng maingay, hindi marunong at walang nalalaman. [14] Nakaupo siya sa pintuan ng kanyang bahay o sa upuan sa mataas na lugar sa lungsod, [15] at tinatawag ang mga dumadaan na papunta sa kanilang trabaho. [16] Sabi niya, “Halikayo rito, kayong mga walang karunungan.” At sinabi pa niya sa walang pang-unawa, [17] “Mas masarap ang tubig na ninakaw at mas masarap ang pagkain na kinakain ng lihim.” [18] Ngunit hindi alam ng mga taong pumupunta sa kanya na sila ay mamamatay. Ang mga nakapunta na sa kanya ay naroon na sa libingan.